Mga mangingisda dumaing ng 'kulang' na pagpapatrolya sa Scarborough Shoal

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 07:21 PM | Updated as of Jun 14 2018 08:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inirereklamo ng mga mangingisda nitong Huwebes ang hindi anila masusing pagbabantay ng Navy at Coast Guard ng Pilipinas sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal).

"Sa aming nakikita, ang may control is China, wala kami nakikitang any Coast Guard [ng Pilipinas] sa lugar, ang nagpapatrol doon is China Coast Guard," ani Rolly Bernal, pangulo ng Scarborough Shoal Fisher Folks Association.

Nauna na itong inilahad ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.

Ani Alejano, nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang pagpapatrolya ng Pilipinas sa naturang teritoryo.

Kinastigo naman ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ang pahayag ni Alejano at ni Senador Antonio Trillanes. 

"We can assure our people na may regular patrols but I can tell you now it is very irresponsible of Senator Trillanes and Congressman Alejano to say na walang patrols. They endangered our security and our standing sa dispute na ito," ani Cayetano.

Giit din ng Philippine Navy, narorondahan nang maigi at naipatutupad ang batas sa Panatag Shoal katulong ng mga kinauukulang ahenisya ng pamahalaan.

"The concerned agencies here are performing their roles in the conduct of such patrols and enforcing maritime laws in the area," ani Commander Nichols Driz ng Naval Forces Northern Luzon.

Ayon pa sa mga mangingisda, bukod sa China ay kaagaw rin umano nila ang mga mangingisda mula Vietnam.

Anila, lumalapit ang mga Vietnamese hanggang 50 nautical miles mula sa Zambales. 

"Iyong isda na dapat mapunta at makonsumo ng mga kababayan natin, nakukuha nila ngayon at nadadala sa bansa nila," ani Joseph Geruela, mangingisda sa Panatag Shoal.

Pagkasira ng Panatag Shoal

Pinangangambahan din ng mga mangingisda ang tuluyang pagkawasak ng mga yamang dagat sa Panatag Shoal dahil sa mga aktibidad ng China sa teritoryo.

Bulto-bultong mga coral anila ang puwersahang sinasamsam ng China sa Panatag Shoal. 

Nagresulta anila ito sa pagkasira ng mga coral reef sa lugar.

"Halos araw-araw may mga rubber boat [ang China na] kumukuha ng corals. Buwan ng Abril, marami, may siyam na barko [ang] nangunguha ng isda. Kinukuha nila 'yong bahay ng taklobo, tapos mga shells," ani Geruela.

Aniya, kita sa mga retrato na kinunan nitong huling linggo ng Mayo ang pagkasira ng bahura.

"Sirang-sira na mga corals doon, parang hollow blocks doon na pinukpok ng maso, durog na durog na, patay na patay na," dagdag ni Geruela. 

Nais ng gobyerno na ipasiyasat ang insidente nang mas malaliman.

"If we don't have coral reefs there, walang titirahan ang mga isda natin diyan, 'yan ang malaking impluwensiya sa produksiyon ng isda sa lugar na yan," ani Neil Catibog, regional officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.