Guwardiya sugatan nang madamay sa riot sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 01:29 PM

DAVAO CITY - Sugatan ang isang security guard matapos hampasin ng bote sa ulo ng isang lalaking nag-amok sa C.M. Recto Avenue, Huwebes.

Ayon sa biktimang si Wilson Mangrubang, binabantayan niya ang isang simbahan nang biglang magka-riot sa kalsada. 

Nagulat na lamang si Mangrubang nang pati siya ay biglang hampasin ng isang bote ng alak sa ulo.

"Nagbabantay lang ako baka kasi mabasag nila ang salamin ng simbahan, ma-charge pa sa akin pero hinampas na nila ako," ani Mangrubang.

Nakatakas ang lalaking nanghampas ng bote sa guwardiya pero nadakip ang isa sa mga kasamahan niya na si Pakeng Almayga.

Itinanggi naman ni Almayga na kabilang siya sa mga nag-riot.

Hinahanap pa ng mga pulis ang mga nakatakas sa mga sangkot sa panggugulo. 

Desidido namang magsampa ng kaso si Mangrubang laban sa nanghampas sa kaniya ng bote.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.