Volleyball coach, patay sa pamamaril sa Quezon City

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 04:43 AM

Isang putok sa sintido ang tumapos sa buhay ng 36 anyos na si Conrado Fonseca, Jr. nang barilin siya sa labas ng isang tindahan sa Molave Street sa Barangay Payatas, Quezon City pasado alas-11 ng gabi Miyerkoles.

Ayon sa paunang imbestigasyon, hindi namalayan ni Fonseca na lumapit sa kanya ang namaril dahil naglalaro siya sa cellphone habang nakaupo at may pinapanood sa TV ng tindahan.

Isang motorsiklong sakay ng magkaangkas ang dumating, bumaba ang angkas, at pinaputukan si Fonseca sa ulo. Nagpaputok uli ito bago tumakas.

Ayon sa pinsan ng biktima, dating gumagamit ng droga si Fonseca na nagta-trabaho bilang volleyball coach at referee.

Tumigil na umano siya nang isuko ng kamag-anak sa tanggapan ng isang konsehal at naging barangay volunteer. Pero ayon sa pinsan, maaaring bumalik siya sa paggamit ng shabu dahil muli siyang nagkaroon ng allergy sa balat na epekto ng paggamit niya dati.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.