P360-M shabu, nasamsam sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 10:13 AM | Updated as of Jun 14 2017 10:29 AM

Tinatayang P360 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa isang warehouse sa Barangay Manuyo, Las Piñas, Martes ng gabi.

Hinalughog ng police Drug Enforcement Group (PDEG) ang bodega sa BF Martinville Subdivision sa bisa ng search warrant na target ang isang miyembro ng Lee drug syndicate na umano'y nagdedeliver ng shabu sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Nadiskubre ng mga operatiba ang nasa 72 kilo ng droga sa loob ng mga paketeng nakasilid sa 4 na styrofoam box, ayon kay Senior Supt. Graciano Mijares, direktor ng PDEG.

Mayroon ding laman na tuyong isda ang mga kahon para maikubli ang mga pakete ng bawal na gamot.

Gayunman, hindi naabutan ng pulisya sa lugar ang mga suspek. Patuloy pa ang operasyon ng pulisya upang matukoy ang kinaroroonan ng grupo.

Kabilang naman si Philippine National Police chief Director Gener Ronald Dela Rosa sa mga nag-inspeksyon sa lugar. Aniya, posibleng galing sa ibang bansa ang mga droga dahil wala pang nadidiskubreng shabu laboratory sa bansa.

-- May ulat nina Maan Macapagal at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.