PatrolPH

Noodles, de-latang karne, gustong padagdagan ng buwis

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 06:29 PM | Updated as of Jun 14 2017 11:41 PM

Kasunod ng isinusulong na dagdag-buwis sa mga inumin, pati na sa mga 3-in-1 na kape at sachet ng juice, itinutulak na rin ngayon sa Kamara ang pagpapataw ng buwis sa mga tsitsirya, instant noodles, de-latang karne, at iba pang pagkaing may asin. 

Sa panukala ni Masbate Rep. Scott Davies Lanete na isang doktor, gustong patawan ng excise tax ang mga ‘salty, processed food’. Sapul dito ang mga de-latang corned beef at luncheon meat, processed meat tulad ng hotdog, junk food gaya ng potato chips, at mga instant pansit o mami.

Ayon sa doktor na mambabatas, isinusulong ng kaniyang panukalang batas na huwag na masyadong tangkilikin ang mga pagkaing wala umanong sustansiya at maaari pang magdulot ng sakit dahil sa sobrang asin. 

Pag-aaralan at pagdedebatehan pa naman ng mga mambabatas ang panukala, pero sakaling makalusot, tatamaan nito ang mahigit kalahati sa lahat ng mga paninda ng supermarket dahil sangkaterbang produkto ang may sangkap na asin.

Sa tantiya rin ng isang asosasyon ng mga nagpapatakbo ng supermarkets, masasapul ng planong buwis halos lahat ng Pilipinong kumakain ng de-lata at iba pang processed food na may asin.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.