MRT, mababawasan ng tren, babagal ang takbo

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 05:53 PM | Updated as of Jun 15 2017 01:48 AM

Pinaghahanda na ang mga pasahero ng MRT sa mala-kalbaryong biyahe dahil bukod sa babawasan ang mga mga bumibiyaheng tren, babagalan din ang takbo ng mga ito. 

Dahil sa isang aberya, apat na araw ang ibinigay sa maintenance provider para sa inspeksiyon, kaya naman hanggang sa Linggo apektado ang mga biyahe ng tren ng Manila Metro Rail Transit System o MRT. 

Asahan na ang mahabang pila para makasakay ng tren dahil mula sa kasalukuyang 20, magiging 15 na lang muna ang mga bumibiyaheng tren. Pababagalin din ang takbo ng tren mula sa kasalukuyang 40 kilometers per hour (kph), magiging 20 kph na lang ito. 

Ang 20 kph ay bahagya lamang mas mabilis kaysa sa karaniwang takbo ng mga sasakyan sa mga parking lot o garrage, kung saan kadalasang may speed limit na 15 kph. 

Ang pagsasaayos ay bunsod ng aberya sa isang tren na nagsimula kahapon, Hunyo 13. Ayon sa pamunuan ng MRT-3, isang oras naapektuhan ang biyahe ng tren mula sa Shaw Boulevard station hanggang sa Taft Avenue Station, bandang alas-7 kagabi. 

Bigla kasing may narinig na kakaibang tunog ang driver sa loob ng isa sa mga tren ng MRT. Nang inspeksyunin ang tren, nakitang nabali ang ‘axle’ nito o iyong bakal na nagdudugtong sa mga gulong na nasa magkabilang gilid ng tren. 

Hindi naman daw nakalas ang mismong gulong ng tren, pero lubhang delikado ito kung hindi agad makukumpuni. 

Wala pang maibigay ang mga awtoridad na sanhi ng pagkasira ng bahagi ng tren. Tinitingnan ang posibilidad na dahil ito sa lakas ng ‘vibration’ mula sa kiskisan ng mga gulong at riles o kaya’y dahil gamit na gamit din ang mga tren.

Nagdesisyon ang mga opisyal ng MRT na ipasuri sa maintenance provider ang lahat ng tren para matiyak na maayos ang kondisiyon nito.

Tamang takbo ng tren

Base sa impormasyon sa website ng MRT-3, may maximum speed na 65 kph ang mga tren nito. Sa ganiyang bilis, nakukuha ng tren na makabiyahe mula sa North Avenue station hanggang sa dulong istasyon ng Taft Avenue sa loob lang ng kalahating oras. Kasama na riyan ang mga hinto sa iba’t ibang istasyon ng tren.

Kung pagbabasehan ang datos na iyan, maaaring abutin nang 50 minuto o halos isang oras ang biyahe ng tren mula sa magkabilang dulong istasyon kung tatakbo lang ito ng 20 kph.

Tiniyak naman ng mga opisyal ng MRT na ligtas pa ring sumakay ng tren. Unang beses rin lang daw na may nasirang ‘axle’ nitong tren.

Nitong Lunes lang, inilunsad pa ang free WiFi sa lahat ng istasyon ng MRT.

Ilang beses namang dininig sa Kongreso ang umano’y maanomalyang kontrata sa maintenance provider ng MRT pati na ang alegasyon ng suhulan sa pagbili ng mga bagong bagon nito.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.