Magkumpare patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Sorsogon

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 06:31 PM

SORSOGON - Patay ang isang kagawad ng Barangay Bentuco at ang kaibigan nito sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Gubat, Sorsogon Martes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Alfredo Espedido at si Kagawad Pedro Esperida.

Kuwento ng asawa ni Espedido, lumabas lamang ng kanilang bahay sa Barangay Naagtan nang pagbabarilin ito ng isang grupo ng mga lalaki.

Makalipas ang ilang minuto ay nangyari naman ang pamamaril kay Esperida sa kalapit na Barangay Bentuco.

Ayon sa asawa ni Esperida, isang grupo rin ng mga lalaki ang bumaril sa kanya.

Magkaibigan at magkumpare ang dalawang biktima. Naniniwala ang pulisya na iisang grupo ang nasa likod ng mga pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.