Magkakapatid timbog sa operasyon kontra droga

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 08:38 PM

LEGAZPI CITY - Timbog ang tatlong magkakapatid at isang kagawad ng Barangay Sabang sa isang operasyon kontra droga sa Legazpi City Miyerkoles ng umaga.

Limang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P100,000 ang halaga ang narekober sa mag-asawang sina Gregorio Obogne at Kagawad Salvacion Obogne.

Pinasok din ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang bahay ng mga kapatid ni Gregorio na sina Richard Obogne at Mary Jane dela Cruz na sinasabing magkatuwang din sa pagbebenta ng iligal na droga.

Nakuha sa mga ito ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P90,000.

Ayon sa PDEA, may organisadong drug group ang magkakapatid sa barangay. Umaabot rin umano sa iba pang mga barangay sa Legazpi City ang pakikipag-transaksiyon ng mga ito.

Siniguro naman ng PDEA na magpapatuloy ang kanilang sunod-sunod na operasyon kontra droga lalo pa't maging ang mga nauna nang sumuko sa Oplan Tokhang ay nagpapatuloy pa rin sa paggamit at pagbebenta nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.