Itinuturong kasapi ng 'Bonnet Gang', patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 06:20 PM | Updated as of Jun 15 2017 02:11 AM

Patay sa engkuwentro ang umano'y miyembro ng 'Bonnet Gang', habang arestado naman ang isa pa niyang kasama sa Quezon City.

Nakuhanan pa ng video ang aktuwal na palitan ng putok sa pagitan ng umano'y miyembro ng 'Bonnet Gang' at ng isang pulis ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU). 

Dead on the spot ang itinuturong miyembro ng 'Bonnet Gang' na si Willy Ducena na armado ng baril.

Nasugatan naman ang pulis na si PO2 Anthony Magallon. Agad itong isinugod sa ospital.

Naaresto rin ng mga pulis ang hinihinalang kasamahan ng suspek na si Greggy Panostan, pero itinanggi nito na kilala niya ang napatay na si Ducena.

Nangyari ang engkuwentro nang paligiran ng mga operatiba ng QCPD ang isang bahay sa Feria Road sa Old Balara, Quezon City.

Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar ng QCPD, ihahain sana nila ang warrant of arrest laban kay Ducena pero bigla itong namaril.

Dagdag pa ni Eleazar, notoryus na mga holdaper ang grupo na luminya na rin sa ilegal na droga at pagpatay.

Iniimbestigahan na ng QCPD kung may iba pang kasamahan ang mga suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.