Ilang saksi sa Resorts World shooting, ayaw magbigay ng pahayag

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 10:05 AM | Updated as of Jun 14 2017 10:48 AM

Inamin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde na may kinakaharap silang limitasyon sa imbestigasyon sa malagim na insidente sa Resorts World Manila dahil may ilang mga saksi ang tumatangging magbigay ng kanilang salaysay sa pulisya.

"Hindi natin alam kung sila ay pinipigilan na magbigay ng statement o talagang ayaw lang nila," pahayag ni Albayalde sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Albayalde, sakaling hindi talaga magbigay ng salaysay ang mga taong kinakailangang makapagbigay ng salaysay ay pwede silang masampahan ng kasong obstruction of justice.

"Yung salaysay ay para lalong mapatibay ang ating kaso," sabi niya.

Posibleng magkaso ang pulisya ng reckless imprudence resulting to multiple serious physical injuries and homicide.

Nais makuhanan ng salaysay ng pulisya ang mga taong nakaligtas sa insidente upang bigyan linaw kung bakit may na-trap na mga tao sa gusali.

Napag-alaman din ni Albayalde na magsasampa umano ng class suit ang mga kamag-anak ng mga nasawi.

Nangako din siya na mailalabas na nila ang resulta ng imbestigasyon sa insidente sa susunod na linggo.

"Latest most probably next week. Kahapon nag walk thru po tayo ulit kasama yung imbestigador at naantala lang ngayon dahil mayroon tayong Congressional hearing," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.