Balikan: Pagragasa ng lahar sa Pampanga noong 1995

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 03:03 PM

Binansagang isa sa pinakamalakas na pagsabog ng bulkan ngayong siglo ang pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991. Dahil sa pagsabog, mahigit isang milyong Pilipino ang apektado, samantalang mahigit 700 ang namatay.

Bagaman nagdulot ito ng matinding pinsala sa Gitnang Luzon noong panahong iyon, apat na taon pa ang lumipas bago naranasan ng mga taga-Pampanga ang lupit ng peligro ng lahar.

Sa ika-26 na anibersaryo ng pagsabog ng Mt. Pinatubo, hindi pa rin nakalilimutan ng mga residente ng Bacolor ang sinapit nilang trahedya.

Matinding pagbuhos ng ulan at pagbayo ng hangin ang dala ng bagyong Mameng noong 1995 kung kaya’t nakaalerto ang mga taga-Bacolor sakaling kailangang lumikas. Kasama sa mga nakaantabay ang 50 taong gulang na si Emily Nakpil at ang kanyang pamilya.

“Sabi ng asawa ko, medyo maghanda-handa na kayo kasi sabi nga mayroon daw bagyo,” pagbabalik-tanaw ni Emily. “Biglang mayroong dumating na lahar.”

Dali-daling lumikas ang pamilya sa bahay ng kanilang kamag-anak.

“Nando’n kami sa [pangalawang] palapag ng bahay,” banggit niya. “Umiiyak na ang mga tao. Ang mga kasama namin, umiiyak na. Sabi ng asawa ko, ‘Diyos ko po, Emily, mamamatay na yata talaga tayo. Nanginginig na ako. Saan kami tatakbo? Tubig na. Lahar na.”

Nanatili sa bubungan ang pamilya habang niraragasa ng lahar ang kanilang lugar. Maliban sa gutom at lamig, ang bunsong napahiwalay sa kanila ang inalaala ni Emily.

“Pero 'yung isang anak ko, kasama ng biyenan ko,” banggit ni Emily.

Dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyong Mameng at pagragasa ng lahar sa kanilang lugar, 18 sa 21 barangay ng Bacolor ang natabunan ng lahar at halos 100 ang nasawi. 

Paano nga ba nalamapasan ni nanay Emily ang pagsubok na ito? Subaybayan ang kanyang kwento sa Red Alert Miyekoles ng gabi pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.