PatrolPH

Bulusan posibleng pumutok ulit: Phivolcs

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2022 07:49 PM | Updated as of Jun 14 2022 10:00 AM

Watch more News on iWantTFC

Posibleng sumabog ulit ang Bulkang Bulusan, sabi ngayong Lunes ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

"Kung tuloy-tuloy ang paglabas ng usok ay mas maigi na 'yan kaysa makaipon ng pressure, pero kailangan nating pag-ingatan na talagang posible pang magkaroon ng mga pagsabog," ani Phivolcs Director Renato Solidum sa panayam ng Teleradyo.

"Siguraduhin po na hindi kayo pumupunta sa permanent danger zone na 4 na kilometro sa palibot ng tuktok," dagdag niya.

Binitawan ng Phivolcs ang babala kasunod ng phreatic eruption ng bulkan sa Sorsogon noong madaling araw ng Linggo, saktong 1 linggo mula nang magkaroon ito ng parehong pagputok.

Nauna nang sinabi ni Solidum na mas malakas ang pinakabagong phreatic eruption ng Bulusan kompara noong Hunyo 5.

Umabot naman sa 32 barangay ang nabagsakan ng abo sa mga bayan ng Juban, Casiguran at Magallanes.

Sa Casiguran, umaaray ang mga magsasaka sa epekto ng bumagsak na abo.

Kabilang kasi sa mga nabagsakan ang malaking taniman ng kamatis, kaya nababahala ang mga magsasaka na mabulok ang mga ito kapag hindi naalis ang abo.

Ayon sa magsasaka na si Marites Bagasala, nabagsakan din ng abo ang mga pananim niyang upo at mais.

Inani naman na ng magsasakang si Albert Estonanto ang kaniyang kamatis at hinuhugasan na lang bago ibenta.

Inuuga naman ni Estonanto ang kaniyang mga puno ng mangosteen para mawala ang abo.

"Biglang nalanta 'yong mga pananim namin gawa ng abo na 'yan," aniya.

Sa tala ng Casiguran municipal agriculture office, aabot sa P2 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa abo.

Posibleng madagdagan pa ito lalo't hindi anila umuulan sa lugar at marami pang pananim ang may mga abo pa.

Hiniling naman ng mga apektadong magsasaka na mabigyan sila ng mga binhi para makapagsimula ulit.

Inaalam pa ng provincial government ng Sorsogon kung magkano ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura.

Noong pagsabog ng Hunyo 5, nakapagtala ang probinsiya ng P1.6 milyong pinsala kaya nagtataka sila kung saan galing ang P20 milyong iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ani Governor Francis Escudero.

— Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.