PatrolPH

DOH nakapagtala ng 7,302 bagong COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2021 07:14 PM

Nakapagtala ngayong Linggo ang Department of Health ng 7,302 na dagdag na kaso ng COVID-19, dahilan para umabot sa 1,315,639 ang kabuuang bilang ng mga kaso sa bansa.

Sa bilang na iyon, 59,865 ang active cases o may sakit pa rin.

Umabot din kasi sa 7,701 ang bilang ng mga gumaling na naitala ng DOH para sa 1,232,986 total recoveries.

Umakyat naman sa 22,788 ang death toll matapos makapagtala ng 137 pagkamatay sa sakit. Ito ang ikalimang sunod na araw na lampas 100 ang naitalang namatay.

Sa buong mundo, umabot na sa 175.6 milyon ang kabuuang bilang ng mga nagkakaroon ng COVID-19, kung saan 3.7 milyon ang namatay, ayon sa Johns Hopkins Coronavirus Resource Center.

Target ng gobyerno ng Pilipinas na mabakunahan ang nasa 58 milyon bago matapos ang taon. Sa huling tala, umabot na sa 6.3 milyong dose ng COVID-19 vaccines ang na-administer sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.