Sanhi ng pagpanaw ng babaeng na-stranded sa Pasay, palaisipan para sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 07:34 PM | Updated as of Jun 13 2020 09:01 PM

Balot pa rin ng lungkot ang 56 anyos na ina ng babaeng namatay matapos madiskubreng walang malay sa footbridge sa Pasay City habang naghihintay nang limang araw para sa bus na pauwi sana ng Bicol.

“Bilang ina masakit sa ina ang ganyan sa anak. Kaya pag nakikita ko ’yung mga anak niya, ’yan na lang ang lumalakas ang loob ko para malabanan ko ang lahat nang ito,” pagbabahagi ni Marlene Silvertino, ina ng pumanaw na si Michelle.

Batay sa ulat ng Pasay City Police, madaling araw ng Hunyo 5 nang makita si Silvertino na hirap huminga at may lagnat. Pumanaw ito kalaunan sa ospital.

Ayon sa kapatid ni Michelle na si Celia, wala naman itong nabanggit sa kanila kung may sakit siyang naramdaman.

“Minsan po bihira na lang siya mag-text tapos kapag po tini-text namin, at saka lang siya magre-reply. Tapos ’pag ilang araw na naman po, di na naman po magte-text,” ani Celia.

Hinala ni Marlene, may nararamdaman na ang kaniyang anak kaya nagpupumilit itong umuwi sa kanila.

Maayos pa naman daw ang kalusugan nito noong Enero, bago namasukang kasambahay sa Antipolo.

Iginiit na rin daw ng kaniyang amo na hindi nila ito pinabayaan.

“Nag-contact naman sa akin ’yung amo niya para isabi ’yung kanyang side. ’Yung iniisip nila na minaltrato at pinalayas, hindi naman po ganu’n,” kuwento ng kaibigan ni Michelle na si Natanael Aviso.

Hirap pa rin daw ang mga kaanak ni Michelle kaya’t sa Panginoon sila humuhugot ng lakas.

“Ang tangi ko na lang panalangin kung saan man siya naroroon ngayon, maging matahimik na siya,” ani Marlene.

Nagpasalamat din sila sa mga tumulong, pati na ang Pasay LGU.

Handa rin umano ang Pasig LGU na magbigay ng educational assistance sa mga naulilang mga anak ni Michelle.

— Ulat ni Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.