Resident ID system isinusulong sa Buenavista, Guimaras

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 06:01 AM

Larawan mula sa LGU-Buenavista, Guimaras

Isinusulong ngayon sa bayan ng Buenavista sa lalawigan ng Guimaras ang pagkakaroon ng resident ID system.

Ayon kay Mayor Eugene Reyes, ito ang paraan na kanilang nakikita para mas mapadali at mapaayos ang system ng pag-alis at pag-uwi ng mga residente na pumupunta sa Iloilo.

Sa ID card nakalagay ang mga impormasyon na kailangan sa tuwing magsusulat ang mga ito sa health declaration card kung sila ay aalis sa Buenvista at gustong pumunta ng Iloilo.

May bar code ang ID at kailangan lang i-scan ito sa pantalan kaya mabilis na malalaman ang identity ng residente kaya maiiwasan ang mahabang pila sa pantalan.

Naniniwala ang alkalde ito rin ang pinakamainam na paraan para mapabilis ang contact tracing sakaling may magpositibo sa virus sa kanilang lugar.

Sa ngayon ay nananatiling COVID-free ang Guimaras.

Samantala, nagpapatuloy naman ang pagpapatayo ng isang istruktura sa Buenavista wharf.

Dito ilalagay ang mga computer at scanner na gagamitin para sa resident ID card.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.