Pinatuyong sea horse, sea dragon nakumpiska sa Palawan; 6 timbog

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 12:33 AM

Courtesy of Palawan Provincial Police Office

PALAWAN – Arestado ang 6 na suspek na nahulihan ng kilo-kilong pinatuyong sea horse at sea dragon sa Taytay, Palawan nitong Miyerkoles ng gabi.

Nasabat ng mga pulis ang nasa P700,000 halaga ng pinatuyong hayop sa checkpoint sa Barangay Poblacion.

Unang nahuli ang 5 katao na sakay ng pickup na dala ang mga karton ng patay na sea horse at sea dragon. Kalaunan, dumating ang isang babae na nagsabing siya ang nagmamay-ari ng negosyo kaya’t inaresto rin siya ng mga pulis.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), matagal nang pinagmamanmanan ng mga awtoridad ang ilegal na negosyo.

Inihahanda na ng PCSD ang pagsasampa ng kaso sa mga suspek. Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad na sangkot din sa ilegal na gawain ang isang Chinese national.

"May mga follow-up investigation pa rin kaming gagawin dahil nga hindi natin ma-locate itong partner allegedly na Chinese,” ani Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Paalala ng PCSD, walang medikal na basehan na gamot sa hika ang sea horse at sea dragon.

Ang mga naturang hayop ay protektado ng batas dahil kasama na ito sa mga endangered species.

"Ang kaso rito ay maipapailalim dito sa Wildlife Act kung saan sila ay in possession ng economically important and threatened species ng wildlife,” dagdag ni Fabello.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.