Pagbabalik-operasyon ng lotto outlets pinaplantsa na ng PCSO

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 12:34 PM

MAYNILA - Naghahanda na ang Philippine Charity Sweepstakes Office para sa pagbabalik-operasyon ng lotto outlets, ilang buwan matapos ipasara ang mga ito dala ng coronavirus lockdown sa bansa. 

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, inaayos na nila ang minimum health standards na kakailanganin sa pagbubukas ng mga outlet. 

"Doon sa pagre-resume ng operations kami po ay nagsulat sa office ng presidente. Hinihintay na lang po namin 'yong approval at tinatapos namin 'yung minimum standards ng health protocols," ayon kay Garma sa Laging Handa briefing Sabado.

Ayon kay Garma, kasama sa mga ilalatag na patakaran ang pagsusuot ng face mask at ang pagpapatupad ng physical distancing sa pagpila sa mga lotto outlet. 

Kakailanganin din aniyang maglagay ng screen sa pagitan ng ahente ng lotto outlet at mananaya. 

Plano rin nilang ipagbawal na may mamasukan na mga lotto agent na mas bata sa 21 anyos at 60 anyos pataas para masunod ang health standards ng gobyerno. 

Inihahanda na rin ng PCSO ang pagsasagawa ng "digital" system ng pagtaya, pero aaprubahan pa raw ito, ayon kay Garma. 

"Ine-encourage namin. In fact hindi lang po sa lotto especially sa STL (small town lottery) sa aming proposal ang paggamit ng mobile app at ang pag-allow na gumamit ng automated betting machine kung saan hindi na kailangan ng face-to-face setting through marketing tools na makataya ang ating mga manlalaro," ani Garma. 

Para naman aniya sa mga advanced ticket na inabot ng lockdown, plano ng PCSO na magsagawa ng "special draw" oras na payagan na muling magbukas ang mga lotto outlet. 

"Kung manalo sila naitago ang tickets nila mainam lang na itago ito," ani Garma. 

May mga pinaplantsa rin aniya sila na ibang paghahanda para masigurong ligtas ang mga manlalaro at mga magtatrabaho sa mga lotto outlet. 

Maaalalang sinuspinde ng PCSO ang operasyon ng mga lotto outlet noong Marso 18 nang ilagay sa lockdown ang buong Luzon dahil sa pandemya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.