Makukulay na 'Eco-Masks' sa Negros Occidental layon na protektahan din ang kalikasan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 02:46 PM | Updated as of Jun 13 2020 03:28 PM

Abala ang mahahani na gumawa ng "Eco-Mask. Larawan mula kay Bro. Jaazeal Jakosalem

Nagtulong-tulong ang mga local artist, Augustinian Recollect brothers at sisters pati na ang mga boluntayong mga mananahi sa Negros Occidental para makagawa ng mga makukulay at ecologically-friendly face mask o "Eco-Mask."

Layunin nilang mabigyan ng dagdag na proteksiyon ang mga marginalized sector na naapektuan ng COVID-19 pandemic, bukod sa magpahatid ng mensahe sa sinumang magsusuot ng mga ito.

Ang advocacy na ito ay pinangunahan nina Bro. Jaazeal Jakosalem ng Augustinian Recollect Solidarity Network International at ang kaniyang kapatid na si Jazer Jude na nagmamay-ari ng printery at apparel store.

Ilan sa mensaheng ipinahahatid ng mga artistically designed eco-mask ay ang pagpapahalaga sa kapaligiran at karapatang pangtao.

Ito ay ilan sa mga disenyo ng "Eco-Mask" na tinatahi ngayon sa Negros Occidental. Larawan mula kay Bro. Jaazeal Jakosalem

Ayon kay Jakosalem, milyong disposable face mask ang itinatapon kada araw, bagay na nakadaragdag sa problema sa polusyon. Dagdag pa nila, nagiging sanhi rin ito ng pagbaha dahil bumabara ang mga itinapon sa mask sa waterways.

“Imagine that we are currently producing globally 15 billion or more of these disposable face masks. The rising demand is equal to rising pollution. This is totally immoral and a total disaster to nature. We cannot add to the growing human crisis of the COVID pandemic with another ecological disaster. May our initiative in making eco face masks be able to inspire others to make their own reusable face mask,” aniya.

Sabi ni Jakosalem, ang Eco-mask ay isang global campaign ng Augustinian Recollect Solidarity Network International para masawata ang masamang epekto ng disposable mask sa kapaligiran.

Ayon naman sa kaniyang kapatid na si Jazer Jude, magandang oportunidad ito sa mga lokal na mananahi lalo na at naapektuhan ng pandemya ang garments industry.

Ang paggawa ng Eco-Mask ay naging kabuhayan na rin ng ilang mananahi sa Negros Occidental. Larawan mula kay Bro. Jaazeal Jakosalem

Aniya, nag-shift muna siya sa eco-mask manufacturing para matulungan niya ang kaniyang mga mananahi na kumita at makatulong sa kanilang advocacy.

“We try to provide our sewers some work during the lockdown. We give them materials like cotton cloth which are residue or cuts from our garments project. So, we let them make a mask at home. We donated around 400 to the Provincial Government and some barangays in Bacolod,” sabi ni Jazer Jude.

Nagsimula silang manahi ng mga eco-mask noong maisailalim ang Bacolod City at Negros Occidental sa Enhanced Community Quarantine noong Marso.

Sa ngayon, nakapagdonate na sila ng mahigit 2,000 eco-masks sa provincial government at mga barangay lalo na sa mga sektor na hindi makabili ng sariling face mask. -- ulat ni Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News