Lalaki patay sa pamamaril sa Bacolod City

Yasmin Dormido, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 12:08 AM

BACOLOD CITY - Patay ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa kilalang salarim sa Purok Boulevard, Barangay 13 sa Bacolod Biyernes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Police Station 1, kinilala ang biktima na si Nicko Hosain, 27 anyos at residente ng Purok Kingfisher, Barangay 16 sa Bacolod City.

Rumesponde ang mga pulis sa tawag mula sa isang concerned citizen na may binaril sa lugar.

Ayon kay Bacolod City Police Office Spokesperson Police Lt. Col. Ariel Pico, may nakakita at nakapagbigay ng impormasyon sa imbestigador na bago binaril ang biktima, may kinakausap ito na isang lalaki sa mismong lugar kung saan nangyari ang krimen.

Dagdag pa ng pulisya, sinabi ng ilang nakakita na may kinalaman sa ilegal na droga ang transaksyon ng dalawa.

Imbes na shabu, tawas umano ang ibinigay ni Hosain sa lalaki kaya nagkasagutan ang dalawa.

Hinablot umano ni Hosain ang bag ng lalaki na naglalaman ng pera kaya lalong nagalit ang lalaki at binaril nito si Hosain saka tumakas sakay ng van.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan at paghahanap sa salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.