Hepe ng Puerto Princesa police na pinaaresto ang mga empleyado ng DENR, balak kasuhan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 11:37 PM | Updated as of Jun 14 2020 02:14 AM

Police Col. Marion Balonglong.

Barangay tanod na si Steve Ferrer.

PUERTO PRINCESA CITY—Maluha-luhang ikinuwento ng barangay tanod na si Steve Ferrer kung paano sila pinadapa at tinakot ng hepe ng Puerto Princesa City PNP Miyerkoles ng umaga.

Patapos na ang kanilang grupo sa ginawang assessment ng mga bakawan na pinasok ng informal settlers sa Sitio Bucana, Barangay Matahimik, nang dumating si Police Col. Marion Balonglong, kasama ang ilang mga pulis.

Kuwento ni Ferrer: “Bumaba siya sa patrol car, sumaludo pa ako, ‘Good morning, sir.’ Sabi niya, ‘Dapa, dapa!'. Sabay tutok ng kaniyang armas. Dumapa kami. Habang nakadapa kami, may hinahanap siyang pangalang (Roldan) Alvarez. Sinugod niya si Alvarez. Nu’ng [nahanap] niya si Alvarez, kung ano anong mga P.I. niya na . . . basta pini-i siya. ‘Magnanakaw ka! Saan mo dinala ’yung yero ko? Hindi mo ba alam kung ilan ’yun?’ ”

Matapos ang nasa umano’y pitong minutong pagpapadapa sa kanila ay nilipat sila sa nilinis na lote na inaangkin umano ni Balonglong.

Dito umano nagpatuloy ang pananakit ng dating hepe sa isang tauhan ng DENR-Community Environment and Natural Resources (CENRO).

“Sa isip-isip ko kung kami, doon kami dinatnan, ubos kami lahat. ’Yun na talaga sa aking isip na nu’ng nakarating kami sa area niya at walang tao doon,” ani Ferrer.

Naka-full battle gear pa si Balonglong, dagdag ng tanod.

“Pagdating doon, itong si Roldan Alvarez pinaluhod niya doon. Sabi niya, ‘Lagay mo nga kamay mo sa batok.’ Nakaluhod. Naghanap siya ng posas, pinapoposasan. Sabi niya, ‘May itatanong ako sa ’yo, isang mali, isang sipa o tadyak’,” kuwento ni Ferrer.

“Nakailang sipa na siya agad. Tapos ginaganoon-ganoon (dinuduro). ‘Sino ba’ng pinagyayabang mo? Sabi mo sa akin walang pulis-pulis sa iyo!’ Tapos P.I. na naman. Sabi niya (ni Alvarez), ‘Sir, wala akong alam sa sinasabi mo, kahit patayin mo ako.’ ”

Matapos silang kwestyunin ay dinala sila sa istasyon ng pulis at mag-aalas-singko ng hapon ay pinakawalan na rin sila matapos na kausapin ni officer-in-charge ng CENRO na si Felizardo Cayatoc si Balonglong.

Nitong Biyernes, naglabas ng official statement ang DENR ukol sa pangyayari.

Ayon kay Secretary Roy Cimatu: “It is totally unacceptable that these environmental enforcers who continue to perform their duties despite the COVID-19 pandemic have to suffer violence at the hands of the police, who should be assisting them in their operations.”

Pinag-aaralan na umano ng DENR kung ano ang mga kasong isasampa laban kay Balonglong.

Dagdag ni Henry Adornado, regional executive director ng DENR-MIMAROPA: “Of course, we wanted him to get the legal and possible consequences of his actions. Tinitingnan natin d’yan ’yung kasong administratibo at kriminal.”

Biyernes ng hapon nang ibaba ng PNP-MIMAROPA ang direktibang i-relieve sa puwesto si Balonglong habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP.

“Relieved siya so, somebody else is replacing (him) there. Relieved siya dahil mayroong bago. (In) the meantime, dito lang muna sa regional headquarters kasi mayroon kaming investigation panel to look into the incident. And we will wait for the result of that panel,” paliwanag ni Police Brig. Gen. Nicerio Obaob, regional director PNP MIMAROPA.

Samantala, dismayado naman si PNP chief Police General Archie Gamboa sa insidente.

Sinubukang tawagan ng ABS-CBN News si Balonglong sa numerong laging ginagamit sa mga dating panayam sa kaniya pero sa pagkakataong ito, ayon sa lalaking sumagot ng tawag, wrong number umano ito.

Kahit na ni-relieve na sa pwesto si Balonglong ay gusto ni Ferrer na masibak ito sa serbisyo.

“Hindi sapat na ma-relieve, dapat sa kanya masibak siya sa serbisyo,” ani Ferrer.

Bukod sa kasong isasampa ng DENR kay Balonglong, sasampahan din ng kaso ang iba pang pumuwesto sa bakawan sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines.

Kinondena rin ng DENR Lawyers Guild Inc. ang ginawa ni Balonglong.

“This attack against our own DENR employees and environmental defenders should not be countenanced,” pahayag ng grupo.

“Making these abusers of power within the PNP and other law enforcement agencies accountable and getting rid of misfits will reinforce the rule of law to all.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.