PatrolPH

'Di rehistradong de-lata na kasama sa ayuda ng LGU inireklamo sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 04:23 PM | Updated as of Jun 16 2020 04:32 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - May mga agam-agam ngayon ang ilang residenteng nakatanggap ng ayuda na mga de latang hindi umano rehistrado sa Food And Drug Administration (FDA). 

Kasabay ito ng paglabas ng abiso ng FDA - isang attached agency ng Department of Health - sa kanilang Facebook page na nagbabala laban sa pamimili at pagkonsumo ng mga de latang "MF Mucho Karne Norte" at "MF Mucho Meat Loaf" na pawang hindi rehistrado. 

Isa sa mga nakatanggap ang isang Bayan Patroller sa Muntinlupa City, na may napansing kaduda-duda nang matanggap ang relief packs. 

"Inamoy ko siya, parang strong po 'yung amoy niya. Prinito ko pa rin po kasi mahirap po talaga lumabas lalo na po dito sa Muntinlupa,” aniya. 

"Kumain po 'yung anak ko pero buti nga po kaunti lang din po. Medyo sumakit po 'yung tyan. May iba daw na sumuka, may iba raw na nagtae. Pero salamat sa Diyos hindi po kami ganoon,” ayon sa Bayan Patroller. 

Nag-aalala din siya sa posibilidad na mahawahan ng COVID-19 sakaling kailanganing isugod ang mga anak sa ospital. 

Paliwanag ng FDA, hindi dumaan sa pagsusuri ng kanilang ahensiya ang nasabing mga de lata at posible itong magdulot ng masamang epekto sa kalusugan. 

"Ang pagkain kasi maaaring ma-contaminate 'yan, so hindi po talaga natin siya masasabi na safe siya kung hindi po man lang siya narehistro or na-check ng FDA. Sa pagkain ang wina-watch out for natin is gastro-intestinal upset, vomiting, diarrhea, mga signs of food poisoning,” ani FDA officer-in-charge Eric Domingo. 

Ayon naman sa Public Information Office ng Muntinlupa City, umaksyon naman agad sila oras na makatanggap ng mga reklamo kaugnay sa mga de lata sa relief packs bago pa man ilabas ng FDA ang nasabing abiso. 

“What we did was 'yun pong mga de lata na 'yon ay agad naming tinanggal sa boxes. That happened a week ago. If they think na sila ay kabado dun sa pagkain na ibinigay na tulong, 'wag nilang kainin. 
Isauli na lang sa City Hall,” ani Tess Navarro ng Muntunlupa PIO. 

Ayon kay Domingo, rehistrado naman sa FDA ang manufacturer pero maaaring hindi dumaan sa registration process ang dalawang produkto. 

Planong bigyan ng violation report ang kompanyang sangkot sa paggawa ng dalawang produkto.

'ININSPEKSYUNAN NA'

Sa isang pahayag, sinabi ng Mofels Food International Corporation, ang kompanyang sangkot sa pagsasagawa ng naturang de lata, na pumasa na sa panuntunan ng FDA ang pamamaraan ng pag-manufacture ng karne sa kanilang kompanya. 

Ayon kay Alma-Bella M. Ocampo, VP for Technical Services ng kompanya, batay ito sa spot inspection na isinagawa sa kanilang pabrika noong Hunyo 15. 

Kasabay anila nito, nagsagawa sila ng pag-validate sa kanilang license to operate - o ang lisensiya ng kompanya para i-manufacture ang mga produkto. 

"Their (FDA) findings showed that all our processes and product specifications pass the standards of Good Manufacturing Practices, and that Critical Control Points in the manufacture of these 2 products are being checked and verified to make sure that set standards are being met," ani Ocampo sa isang pahayag. 

Nagbigay-utos naman anila ang FDA na hintayin ang pagbabahagi ng certificate of product registration (CPR) para payagan nang i-distribute ang mga naturang produkto. 

Ito rin ang pahayag ni Domingo, nang hingin ang kaniyang panig sa isang text message nitong Martes, Hunyo 16. 

"[They can resume distribution] once they have CPRs," ani Domingo sa mensahe. — May ulat nina Kori Quintos at Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.