Bus operators dehado umano sa bagong sistema sa ruta, prangkisa ng mga NCR bus

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 07:22 PM

Watch more in iWantTFC

Umaalma ang isang grupo ng bus operators sa ipinapatupad na "rationalized bus routes” ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board sa Metro Manila sa epekto nito sa kanilang kita.

Nagsumite na ng application for writ for preliminary injunction o temporary restraining order sa Quezon City Regional Trial Court ang isang grupo ng mga bus operator para hindi muna ipatupad ang bagong guidelines ng LTFRB at ng Department of Transportation ngayong may lockdown.

Ayon sa abogado ng mga operator, hindi dumaan sa maayos na konsultasyon ang inilabas na mga panuntunan, na kailangan agad sundin ng mga operator kung gusto nila ng bagong prangkisa.

"Mapipilitan po sila mag-operate na lang sa mas maikling ruta. Magiging kaunti ang kita, baka hindi po ma-sustain ang business,” ayon kay Joseph De Jesus, legal counsel ng mga nagreklamong bus operator.

Sa ilalim ng memorandum circular 2020-019 ng LTFRB, iisang operator lamang ang papayagang bumiyahe sa bawat ruta.

Mabibigyang-prayoridad ang mga kompanyang kayang punan ang bilang ng required bus units para sa mga matataong lugar.

Mababawasan din ang kapasidad ng bus.

"Kung titingnan mo 'yung mga dating routes, 'yung mahahaba, it took you some 3 to 4 hours para makabalik ka so hindi siya efficient," ayon kay Joel Bolano, LTFRB Technical Division Head.

“Karamihan, 'yung mga routes na hindi EDSA, nandoon 'yung marami talagang demand [sa] EDSA dapat isa lang talaga ang tumatakbo.”

Ayon sa mga nagrereklamong bus operator, mali na ipinatupad pa ito lalo’t lugi na ang kanilang kita gawa ng tigil-pasada dahil sa lockdown.

"If you do that now coming from the almost 3 months na walang operation, all the bus operators are losing money," ani Alex Yague, spokesperson ng Plaintiff Bus Operators.

Ayon sa LTFRB, unti-unti nang ipinapatupad ang ruta ngayon habang nasa ilalim ng general quarantine ang Metro Manila.

Nagsumite na rin ng reklamo ang Lawyers for Commuters’ Safety and Protection laban sa LTFRB, DOTr, at MMDA.

Ayon sa LTFRB, hindi pa nila natatanggap ang inihaing reklamo.

— Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.