Boracay ininspeksyon ng DOT, gobyerno bago buksan muli sa Hunyo 16

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 08:09 PM

Pinangunahan nina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Environment Secretary Roy Cimatu, at Interior Secretary Eduardo Año ang inspeksyon sa Boracay Island. Artemio Colacion

BORACAY ISLAND -- Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Tourism sa islang ito Biyernes, bilang paghahanda para sa gradual reopening para sa mga turista.

Kasama ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sina Environment Secretary Roy Cimatu, at Interior Secretary Eduardo Año na ininspeksyon ang mga rehabilitation activities at health protocols sa isla.

Kabilang dito ang road rehabilitation project, drainage project, demolition sa Bulabog, pati na ang kalagayan ng ospital.

Sa report na natanggap ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Group (BIARG) nasa 70 porsiyento na ang natapos sa mga road construction at inaasahang matatapos ang natitirang gawain sa Agosto o Setyembre. 

Pending pa kasi ang construction matapos isailalaim sa community quarantine ang buong Western Visayas. 

Ayon kay Natividad Bernardino ng BIARG, mahigpit ang bilin ng tatlong ahensya ng gobyerno.

“Ang bilin sa atin that make sure everything should be in it’s proper place, safety and health protocols. Even if it’s gradual reopening of Boracay, we have to make sure walang makakapasok (na may virus), we should maintain COVID free status of Boracay. Dapat istrikto tayo even if we open it up to Western Visayas tourists,” aniya.

Mandatory para sa mga resort na kumuha ng certificate of authority to operate mula sa Department of Tourism bago buksan muli ang negosyo. 

Paalala pa ng BIARG, bawal pa rin ang 21 anyos pababa at 60 anyos pataas na pumunta sa Boracay, alinsunod na rin sa guidelines ng IATF habang nasa modified GCQ pa ang Aklan. 

Nakatakdang muling magbukas ang Boracay sa Hunyo 16.