8 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Caraga

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 01:53 AM

Naitala ang 8 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Caraga nitong Biyernes, ayon sa Department of Health (DOH) Center for Health Development ng rehiyon.

Sa kabuuan, aabot na sa 22 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ang ika-15 na kaso ay isang 53 anyos na lalaking returning overseas Filipino (ROF) na dumating sa Pilipinas nitong Marso 15 at bumiyahe pa-Cagayan de Oro nitong Hunyo 4 via PAL flight PR4525 at dumating sa Caraga sa parehong araw via bus.

Isang ROF din ang ika-16 na kaso na dumating sa Pilipinas noong Marso 18 at bumiyahe pa-Cagayan de Oro nitong Hunyo 6 via PAL flight PR4527.

Parehong mga taga-Buenavista, Agusan del Norte ang dalawa.

Apat na locally stranded individual (LSI) din na taga-Butuan City ang nagpositibo sa COVID-19. Dalawa rito ay dumating sa Caraga noong Hunyo 6 mula Cebu City sakay ng 2GO vessel habang ang dalawa naman ay dumating sa Caraga nitong Hunyo 7 mula Cebu City sakay ng Cokaliong vessel.

May mild symptoms ang apat na LSI.

Isang 56 anyos na lalaking ROF ang ika-21 na kaso na dumating ng Pilipinas nitong Mayo 30 at sumakay ng eroplano pa-Cagayan de Oro via Air Asia flight Z28616 nitong Hunyo 8 at dumating sa Caraga sakay ng bus.

Taga-Surigao City naman ang ika-22 na kaso na bumiyahe mula Manila papuntang Cebu noong Abril 28 at bumiyahe pa Surigao City noong Hunyo 7 sakay sa barkong Cokaliong.

Asymptomatic o walang iniindang sintomas ang apat na ROF.

Lahat sila ay nasa quarantine facility sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.