4 empleyado sa munisipyo ng Lemery, Iloilo, nagpositibo sa coronavirus rapid test

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 02:36 AM

Apat na empleyado na nagtatrabaho sa munisipyo ng bayan ng Lemery, Iloilo ang nagpositibo sa coronavirus antibody rapid test, ayon sa lokal na pamahalaan nitong Biyernes.

Nasa quarantine facility na ang mga ito at sumailalim na rin sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.

Nagsagawa na rin ng contact tracing ang lokal na pamunuan sa mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa rapid test.

Ayon kay Mayor Oscar Villegas Jr., inisyatibo ng bayan na isailalim sa testing ang kanilang mga frontliners.

Dalawa sa mga empleyado ay nagtatrabaho bilang utility personnel at driver. Ang dalawang iba pa ay mga permanenteng empleyado at nakatalaga sa opisina.

Sa ngayon, hinihintay na lang ang resulta ng PCR test.

Samantala, pinawi naman ng lokal na pamunuan ng bayan ang pangamba ng mga residente at nagbigay ng abiso na manatiling kalmado at ipagpatuloy ang panalangin para sa proteksyon ng kanilang bayan laban sa novel coronavirus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.