Taxi, natabunan sa landslide sa Davao City

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 12:48 PM | Updated as of Jun 13 2019 01:03 PM

Ligtas naman ang driver at pasahero ng taxi na natrap sa sasakyang natabunan ng gumuhong lupa sa Davao City. Louie Angchay

DAVAO CITY – Natabunan ng gumuhong lupa ang isang taxi habang binabaybay ang Diversion Road sa Barangay Ma-a sa lungsod na ito sa kasagsagan ng ulan, Miyerkoles ng gabi.

Sapul sa dashcam sa sasakyan ni James Babao ang insidente kung saan ang taxi na kaniyang sinusundan ay natabunan ng lupa.

 

Ayon kay Babao, natakot sila sa nasaksihan at hindi agad na nakaatras dahil na rin sa mga sasakyan kasunod nila sa likod.

"Na-stuck ako kasi yung paa ko, hindi ko na maapakan ang brake kasi takot na ako. Nabigla ako eh. Nanginginig na ang tuhod ko. Natagalan pa akong kumilos. May tumalsik na tubig sa gilid ng taxi. Napasigaw na kami lahat. Bumulwak na yung lupa, may kasamang kahoy," sabi ni Babao. 

Nakunan din ng video ng Barangay rescue team ng Matina Crossing ang pag-rescue ng Central 911 Urban Search and Rescue Team sa pasahero't driver na na-trap sa loob ng natabunang lupa.

Matagumpay naman silang nailigtas.

Pansamantalang isinara ang bahagi ng Diversion Road na apektado ng landslide habang patuloy ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.