Taxi driver natagpuang patay sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 06:05 AM | Updated as of Jun 13 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

MAYNILA - Natagpuang patay ang isang taxi driver sa loob ng kaniyang minamanehong sasakyan sa Pasay City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Edgardo Egan, 54 anyos, na nagtamo ng mga saksak sa leeg at ulo.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 3, Zone 1, makikitang itinabi ang taxi sa gilid ng kalsada pasado alas-9 ng gabi.

Nang silipin ng ilang barangay tanod ang taxi, nakitang nakahiga ang biktima at wala nang buhay.

Nawala ang dashcam at cellphone ni Egan habang narekober naman ang kaniyang kita sa pamamasada na nakakandado sa lalagyan.

Kuwento ng kinakasama ni Egan, may naikuwento ang biktima na hindi pagkakaunawaan sa trabaho.

"Napakabuti po niyang asawa. Ang alam ko lang po kasi sinasabihan pong maghanap siya ng ibang trabaho," ani Jacqueline Cabos.

Hustisya ang hiling ng pamilya sa pagpatay kay Egan.

"Hindi po namin akalaing mangyayari ito sa pamilya namin," ani Imelda Egan, kapatid ng biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente at kung sino ang nasa likod nito. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.