Pugante mula Bacoor jail sumuko matapos ang halos 1 taong pagtatago

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 04:04 PM

MAYNILA — Isang pugante na namuno umano sa pagtakas ng mga preso sa Bacoor City Police Station halos 1 taon na ang nakalipas ang sumuko sa awtoridad nitong Huwebes.

Kinilala ang pugante na si Ariel Villacampa, isa sa 23 pumuga sa Bacoor City Police Station noong Hulyo 2018.

Sa isang press conference sa Imus, sinabi ni Villacampa na sumuko siya dahil hindi niya pa rin makita ang pamilya kahit pa nakalabas siya ng kulungan. 

"Nahirapan ako, patago-tago ako. Hindi ko makasama ang pamilya ko," ani Villacampa.

Aniya, lumipad siya pa-Cebu ilang buwan matapos tumakas sa kulungan. Doon ay nagtrabaho siya bilang tagakolekta ng basura. 

"Nangangalakal ako ng mga plastic... Nahirapan po ako eh. Hindi ko alam saan ako pupunta," aniya. 

Sabi ni Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, nakatunog umano si Villacampa na malapit na itong matimbog. 

"Kaya raw siya sumuko dahil naramdaman niyang malapit na siyang mahuli," sabi ni Cabatingan.

Ani Cabatingan, si Villacampa ang pasimuno ng pagpuga.

"Ito ang namuno sa pagtakas... May command siya sa grupo."

Itinanggi naman ng pugante ang paratang. 

"Hindi totoo 'yun na ako ang nagplano. Nakasama lang po ako sa gumawa ng plano. Pagkakataon na po 'yun," sabi niya. 

Sa kasalukuyan, 19 detainees na ang naibalik sa pasilidad habang 2 naman ang napatay sa operasyon. 

Dalawa pa ang nananatiling at-large.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News