Pagpapadala ng OFWs sa Kuwait, dapat i-review: Ople

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 05:33 PM | Updated as of Jun 13 2019 10:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hiniling ni OFW advocate Susan Ople sa gubyerno na ipa-review ang pagpapadala ng mga manggagawa sa bansang Kuwait.

"Sa akin lang, baka its time na i-review din natin yung pagpapadala ng workers sa Kuwait. I-emphasize ng gubyerno natin sa kanilang counterpart na bakit naman ganun, sa airport pa lang nangyayari na ang ganito," pahayag ni Ople, presidente ng Blas F. Ople Policy Center.

Ito'y kasunod ng insidente ng panggagahasa sa kalalapag pa lamang na OFW sa airport ng Kuwait noong Hunyo 4.

Sa panayam sa DZMM nitong Huwebes, sinabi ni Ople na ang ganitong insidente ay nakababahala hindi lamang para sa mga OFW.

"Kung 'di nila ma-resolve bakit hindi sila mag-undertake ng airport security reforms baka meron pang ibang kawani ng airport nila na ganun din, malaswa yung pagiisip, malaswa pakikitungo sa workers natin," ani Ople.

Dapat aniyang magpahayag ang gubyerno na tutol ito sa kawalan ng aksyon ng Kuwait sakaling hindi umusad ang kaso.

"Pwede naman anyayahan yung Kuwait ambassador o magbigay ng note verbale na parang pinaparamdam natin na hindi tayo papayag na walang aksiyong gawin," aniya.

Nito lamang nakaraang taon nang lumagda ang Pilipinas at Kuwait sa isang memorandum of understanding para sa proteksiyon ng mga OFW sa host country.

Nangako naman ang Department of Foreign Affairs na tutulungan ang OFW sa pagkamit ng hustisya.

"Justice is part of healing," tugon ni Ople. "Kung mapauwi yan dito walang nangyari sa kaso, forever niyang dala-dala ito."

Kasabay nito, nais na ipaabot ni Ople ang hangarin nitong matulungan rin ang pamilya ng OFW sa Pilipinas habang ipinaglalaban ang kaso sa Kuwait.

"Habang pinu-pursue ang case sa Kuwait, dapat may nagaalaga sa pamilya dito para hindi manghina ang loob ng worker," sabi ni Ople.

Hindi rin dapat alalahanin ng OFW ang loss of income dahil sa insidente at pagtuunan na lamang ng pansin kung paano maipakukulong ang may sala.

"Gusto naming tulungan yung pamilya niya kaya nananawagan kami na kung maaari yung pamilya ng OFW, in case na alam na nila, pwedeng lumapit sa amin," saad ni Ople.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.