Nasa P400,000 halaga ng droga nasamsam sa 14 tao sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 11:02 AM

MAYNILA — Arestado sa magkakasunod na anti-drug operation ng Manila Police District (MPD) ang 14 na tao, kung saan nasamsam sa kanila ang aabot sa P400,000 halaga ng droga.

Ayon kay Police Capt. Pidencio Saballo Jr, hepe ng MPD station 10 drug enforcement team, isang concerned citizen ang pumunta sa kanila para isumbong ang bentahan ng droga nina alyas "Reynaldo," 44, alyas "Orestes," 43, at alyas "Charo," 40.

Nang respondehan ang naturang sumbong ay naabutan umano ang shabu session ng tatlo.

Walong indibidwal pa doon ang nahuli matapos silang makuhanan ng maliliit na sachet ng hinihinalang shabu.

Itinuro naman ng mga nahuling suspek ang pinagkukuhanan nila ng ilegal na droga.

Agad na ikinasa ang buy-bust operation at natimbog ang tatlong target na sina alyas "Airah," alyas "Ronaida," at alyas "Salma."

Sa kabuuan, 15 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 61 gramo at tinatayang may street value na P400,000 ang nasamsam sa 14 na suspek.

Nakatakdang kasuhan ang mga ito ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.