Nahuli sa buy-bust suspek din sa pagkawala ng 2 Grab driver

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 05:21 PM

Itinuturing nang suspek sa pagkawala ng 2 Grab driver ang isang lalaking nahuli sa buy-bust operation sa Imus City, Cavite, ayon sa pulisya. 

Dinampot noong Hunyo 5 sa Barangay Anabu II-D si Michael Medina dahil sa umano ay pagbebenta ng ilegal na droga.

Natuklasan kalaunan ng pulisya sa pamamagitan ng mga text message na may kaugnayan si Medina kay Frankie Serrano, ang suspek sa pagkawala ng 2 Grab driver, ayon kay Police Lt. Col. Junar Alamo, hepe ng Imus police.

Si Serrano ang tumakas na driver ng sasakyan na umararo sa 10 sasakyan sa Nagtahan, Maynila noong Mayo 20. 

Nalaman ng pulisya na ang kotseng minaneho ni Serrano sa insidente ay dating minaneho ni Laurence Fajardo, isa sa 2 Grab driver na nawawala mula noong Abril at hinihinalang dinukot.

Sa panayam ng ABS-CBN News, itinanggi ni Medina na kilala niya si Serrano at may kinalaman siya sa pagkawala ng mga Grab driver. 

Bukod kay Medina, nahuli rin sa buy-bust operation sa Imus ang 4 niyang kaanak na isinasangkot din sa operasyon ng ilegal na droga.

Sangkot din si Medina sa carnapping, ayon sa Imus police.

Itinuturing din siyang "high value target" ng pulisya sa General Trias, Cavite.

Narekober kina Medina ang isang van na walang plaka, kotseng pinalitan ang kulay, 30 gramo ng hinihinalang shabu, granada, mga baril, mga bala, at mga replica gun.

Nagtutulungan na ang Imus police at Manila police sa imbestigasyon sa pagkawala ng mga Grab driver at paghahanap kay Serrano.

Dati nang inaresto ng Imus police si Serrano sa kasong swindling, grave threat, at illegal possession of firearms pero nakapagpiyansa ito.

Nasangkot din si Serrano sa pamamaril noong Mayo 2 at may arrest warrant din laban sa kaniya para sa isa pang kaso ng grave threat.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.