Nagpakilalang negosyante, kinasuhan ng large-scale estafa sa Iligan

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 10:35 PM

ILIGAN CITY - Kinasuhan na ng large-scale estafa sa Iligan City ang isang negosyanteng nauna nang naaresto sa Marikina City.

Matapos maaresto sa Marikina City si Erma Towle dahil sa kasong estafa na inihain ng isang negosyanteng taga-Iligan City, agad siyang iniharap sa korte nitong Huwebes.

Ayon sa negosyanteng si Sammy Marohom, nagpakilalang supplier ng construction materials si Towle. Mula 2017, si Towle ang naging supplier nya. 

Pero nang kalaunan, hindi na dumadating kay Marohom ang mga order niyang materyales kahit nakapagbayad na siya ng mahigit P9 milyon.

“Maayos naman ang mga naunang transaction. Sa pang-apat na transaction wala na, tiniklop lahat ng pera. Kahit lahat na binayad sa akin sa cheke, closed account," ani Marohom.

Maliban kay Marohom, mayroon pang ilang negosyanteng lumantad mula sa iba't-ibang lugar sa bansa na nagpakilalang biktima din umano ni Towle.

“Actually, hindi mo talaga akalain na panloloko lamang ang lahat. Mayroon naman siyang binibigay sa amin na resibo, BIR registration, ang nakikipagkita din siya sa akin sa kanyang opisina sa Ortigas City. 'Yun pala nirerentahan lamang niya ang opisina ng ilang buwan para maniwala ang mga tulad kong ahente na totoo ang negosyo niya,” sabi ng isang hindi nagpakilalang biktima.

“It has come to our attention na yung na-defraud niya ay umaabot ngayon sa 24 businessmen all over the Philippines. These are 24 legitimate business people who were defrauded by Towle,” paliwanag ng abogado ng biktima na si Atty. Michael Advincula.

Tumangging magbigay ng komento sa mga akusasyon si Towle, na nakakulong ngayon sa Iligan City Jail.

Plano naman ng iba pang mga biktima na magsampa ng kasong syndicated estafa laban kay Towle dahil naniniwala silang mayroon siyang mga kasabwat sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.