Grupo ng gov't workers humiling ng P16,000 minimum wage

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hiniling ng mga guro at kawani ng gobyerno na itaas ang kanilang buwanang sahod at wakasan ang kontraktuwalisasyon.

Ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), dapat itaas sa P16,000 ang minimum na buwanang sahod.

Nasa P11,000 ang sahod ng nasa Salary Grade 1 sa first-class cities at municipalities, batay sa datos ng Courage.

Bumababa pa raw sa hanggang P7,000 kada buwan ang sahod sa fifth at sixth-class municipalities.

"Paano naman kami? Paano naman iyong ibang maliit ng kawani?" ani Courage national president Ferdinand Gaite.

Kailangan na rin daw tuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nitong pagtanggal sa lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon, maging ang kontraktuwalisasyon sa loob mismo ng gobyerno.

Nasa 2.4 milyon ang empleyado ng gobyerno, na kinabibilangan ng ilang hindi regular sa trabaho.

Pakiramdam ng iba-ibang unyon ng mga government workers, 3 taon na ang administrasyon pero nakakulong pa rin sila sa kahirapan at kawalan ng seguridad sa trabaho.

"Halos alipin na puro kontraktuwal pa, walang kasiguraduhan sa trabaho," ani Social Welfare Employees Association of the Philippines national president Manuel Baclagon.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.