Buboy, inilibing sa animal cemetery sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 05:59 PM

Inilibing si Buboy sa animal cemetery sa Capas, Tarlac nitong Huwebes. ABS-CBN News

MANILA - Inilibing nitong Huwebes sa animal cemetery sa Capas, Tarlac si Buboy, ang asong nag-viral matapos ang kaniyang nakabibilib na paghihintay sa yumaong amo.

Namatay si Buboy matapos masagasaan ng isang sasakyan sa highway noong Miyerkoles.

Una siyang inilibing sa bahagi ng Mabalacat City College, kung saan nagturo ang kaniyang propesor na amo na si Carmelito Marcelo.

Sa inisyatiba ng Animal Kingdom Foundation, inilipat siya sa animal cemetery.

Ayon kay AKF program director Heidi Caguioa, maaaring bisitahin ang puntod ni Buboy.

“We will be able to immortalize, we can receive visitors kung gusto po ng mga ibang tao na makita kung nasaan po nakalagak si Buboy. They can always go and see," aniya.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang AKF oras na malaman ang plate number ng nakasagasa kay Buboy.

Magmula nang malaman ang kwento ni Buboy, marami na ang nagbigay ng intensyon upang ampunin ang aso. Pero hindi pumayag ang paaralan dahil itinuring na nilang pamilya ang aso.

"Nagpo-provide naman po sila ng appropriate care kaya siguro po napag-isipan nilang hindi naman po nararapat na ipa-adopt na ‘yon, para po sa kanila may pamilya naman po si Buboy doon sa school," ani Caguioa.

Ayon kay Sally David, pinsan ni Marcelo, patuloy nilang inalagaan si Buboy matapos mamatay ang propesor.

“Lahat ng pagkain ibinibigay ko sa kaniya, hindi ako nagkulang sa kanya. Wala pong may gusto saka isipin nalang po natin na masaya na si Buboy kasama po si Sir Marcelo," aniya.

--Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.