ALAMIN: Batas sa mabilis na transaksyon sa gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 01:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) ang pagsugpo sa "red tape" o iyong mabagal na pag-aksiyon ng mga opisina ng gobyerno sa mga aplikasyon ng mga mamamayan.

Makaraan ang 2 taon mula nang maupo, nilagdaan ni Duterte ang Republic Act (RA) No. 11032 o ang "Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018."

Sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM, tinalakay ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) officer in charge at deputy director general Ernesto Perez ang ilan sa mga mahahalagang punto ng batas.

Ayon kay Perez, sinusog lamang ng RA 11032 ang naunang Anti-Red Tape Act of 2007 na ipinatutupad noon ng Civil Service Commission.

Pinaikli ng bagong batas ang bilang ng mga araw na ibinibigay ng gobyerno sa mga opisina nito para aksiyunan ang mga aplikasyon, ani Perez.

Tatlong araw (working days) na lang umano ang ibinibigay sa mga ahensiya ng gobyerno para magproseso ng mga "simple transaction" mula 5 araw habang 7 araw mula 10 naman sa mga complex transaction.

Para sa mga aplikasyong may mga aktibidad na maaaring maging banta sa kaligtasan ng publiko o masyadong teknikal (highly technical), hanggang 20 araw ang ibinibigay umano para umaksiyon ang ahensiya ng gobyerno.

"Ang layunin ng batas ay dapat hindi na pinapabalik ang aplikante 'pag nandoon na siya sa opisina at kumpleto na ang kaniyang requirements, nag-submit na siya ng filing fee," ani Perez.

"Dapat tanggapin 'yon, at hindi na niya kailangan bumalik o mag-follow up," dagdag ni Perez.

Isang beses lang maaaring humingi ng extension o palugit ang ahensiya, at dapat niyang ipaalam at ipaliwanag ito sa aplikante.

Kapag hindi raw inaksiyunan ng ahensiya ang aplikasyon sa loob ng "standard processing time," magiging awtomatiko ang pag-apruba sa aplikasyon at mapapanagot ang opisyal ng gobyerno na nabigong aksiyunan ito.

"Kasalanan ng government employee kapag hindi niya 'yon pinrocess, o kaya 'di niya sinabihan 'yong aplikante na kailangan ng extension, o kaya dineny niya at hindi sinabihan ng ground for denial, 'yon ay violation na," ani Perez.

Ibinahagi rin ni Perez na karamihan sa mga reklamong natatanggap nila sa ARTA ay laban sa Food and Drug Administration and Department of Environment and Natural Resources.

Pero ipinaliwanag din ni Perez na ang FDA ay sakop ng "special law" kaya "mas mahaba ang period ng pag-process nila ng application."

Mula rin daw nang maupo siya bilang opisyal sa ARTA noong Disyembre 2018, wala pa siyang natatanggap na reklamo ukol sa pagproseso ng mga local government office.

Korapsyon ang dahilan kung bakit tumatagal ang pagproseso sa aplikasyon, ayon kay Perez.

"Dine-delay para makipag-areglo ['yong aplikante]," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.