4 na bahay inararo ng trak sa Samar, 1 patay

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 04:37 PM

Nawalan umano ng kontrol at preno ang driver ng trak na umararo sa apat na bahay sa Barangay Maulong sa Catbalogan City. Larawan mula kay Rene Castino

CATBALOGAN CITY, Samar - Isa ang patay habang anim na iba pa ang sugatan nang magtuloy-tuloy sa mga bahay ang trak na nawalan ng kontrol sa Diversion Road sa Barangay Maulong sa nasabing lungsod, Huwebes ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Carmelita Esquerdo. Nabangga ng trak si Esquerdo habang naliligo malapit sa isang balon. Ginamot naman sa ospital ang mga nasugatan na residente at nakalabas na rin ang mga ito.

Ayon kay Police Staff Sgt. Elmer Campañero, galing Tacloban City at patungong Calbayog City ang trak na may kargang grocery items. 

Pagdating sa pababang bahagi ng kalsada, nawalan umano ng kontrol sa kambiyo at preno ang driver nito. Bumangga sa poste ng kuryente ang trak bago tuluyang inararo ang apat na bahay.

Nagdulot din ng ilang oras na brownout ang aksidente sa lugar.

Hawak na ng Catbalogan City Police ang driver ng trak habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.