3 trak, 2 taxi nagkarambola sa Taguig; 6 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 01:09 PM

MAYNILA — Anim ang sugatan, kabilang ang 2 sanggol, sa naganap na karambola ng 3 truck at 2 taxi sa C-5 Road sa Taguig City gabi ng Miyerkoles. 

Nagdulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko ang aksidenteng kinasangkutan ng 5 sasakyan.

Batay sa imbestigasyon, inararo ng isang dump truck ang nakatigil na taxi sa intersection ng C-5 Road at McKinley Hill. 

Dahil sa lakas ng banggaan, pumailalim sa trak ang taxi at binangga nito ang kasunod na 2 pang truck.

Nadamay rin ang taxi na nasa katabing lane.

Sugatan ang limang pasahero ng pumailalim na taxi, kabilang ang dalawang sanggol. Dumaing din ng pananakit ng ulo ang isa sa mga driver ng truck.

Ayon sa driver ng dump truck na nakabangga, nawalan siya ng preno kaya nasalpok niya ang mga sasakyan.

Iniimbestigahan na ng Traffic Investigation Unit ng Taguig City police ang insidente.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.