P400-K halaga ng shabu, nakumpiska sa bahay ng barangay chairman sa Lanao

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 06:29 PM

BALABAGAN, Lanao del Sur - Mahigit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa bahay ng kapitan ng Barangay Banago sa bayan ng Balabagan, Lanao del Sur.

Armado ng search warrant, sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) - Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dakong alas-5:00 ng madaling araw Miyerkoles ang bahay ng bagong halal na barangay kapitan ng Banago na si Billy Jack Ogca at ang maybahay nito na si Hayleen.

Wala sa bahay ang mag-asawa pero nasamsam sa loob ng bahay ang 60 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P408,000 at samu't saring drug paraphernalia na kinabibilangan ng digital weighing scale at empty plastic sachet.

Ayon kay PDEA- ARMM regional director, Juvenal Azurin, isang taon ding under surveillance ang mag-asawa dahil napabilang ang mga ito sa high value target ng ahensiya.

"Nasa category ito ng distributor ang mag-asawa pero wala sila sa kanilang bahay," ani Azurin.

Bagama't hindi naaresto ang mag-asawa, sasampahan pa rin sila ng kasong paglabad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bukod pa ito sa kasong isasampa sa Office of the Ombudsman laban sa kapitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.