Mga isda sa Lake Lanao namamatay; mga residente, eksperto nababahala

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 03:01 PM

Patay na nang anurin papunta sa mababaw na bahagi ng Lake Lanao ang ilang mga isda. Ayon sa mga residente, isang buwan nang ganito ang kanilang dinaratnan. ABS-CBN News

MARANTAO, Lanao del Sur - Isang buwan nang napapansin ng mga residente sa palibot ng Lake Lanao na may mga namamatay na isda.

Ayon sa ilang residente, kusang pumupunta sa mababaw na bahagi ng lake ang mga isda.

Nakikita nila ang mga ito na nanghihina hanggang sa lumulutang. Kinukuha nila ito at kinakain.

Apektado ang mga munisipyo malapit sa lawa gaya ng Tamparan, Poona Bayabao, Ramain, Ganasi, Masiu, Balindong, Bacolod Kalawi, Lumbayanague, Bayang, Lumabatan at Taraka.

Pansin rin ng iba pang mga residente, mainit ang tubig ng lake kahit madaling araw.

Nababahala si Juhari Abinal, isang disaster risk reduction and management officer, na kinakain ng mga residente ang mga nakukuhang isda lalo't di pa tukoy kung ano ang ikinamatay ng mga ito. Gusto nilang patingnan ang lake sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay Abinal, malapit sa lawa ang bulkang Mt. Gurain. Matagal na itong hindi ito aktibo pero gusto nilang makatiyak na walang underwater volcanic eruption. Gusto rin nilang tiyakin na hindi sanhi nito ang mga pulbura ng mga bala at bomba mula sa Marawi na natatangay ng ulan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFAR, bumababa ang oxygen ng tubig dahil sa pabago bagong temperatura. Tinitingnan din kung walang gumagamit ng lason sa pangingisda. 

Nakatakdang magsagawa ng water testing ang BFAR sa lawa.