Titulong 'Largest Human Philippine Flag', target masungkit ng Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 12:30 PM

Libo-libo ang nakiisa sa Iloilo para masungkit ang titulong 'The Largest Human Philippine Flag' kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. 

Photo by Nony Basco, ABS-CBN News

Nakasuot ng kulay asul, pula, puti, at dilaw na damit ang libu-libong dumalo sa Independence Day program sa bayan ng San Enrique, Iloilo. Kasabay ng pagdiriwang ang kanilang pagbuo ng higanteng human flag. 

Nais masungkit ng lokal na pamahalaan ang titulong 'The Largest Human Philippine Flag' sa lalawigan ng Iloilo.

Ito ang kanilang paraan para manatili sa mga kabataan ang diwa ng nasyonalismo at pagmamahal sa bayan, ayon kay Dr. Jose Patubo, ang Municipal Tourism Officer. 

Tinatayang umabot sa mahigit 6,000 ang nakiisa sa pagbuo ng human flag. 

Masaya at ipinagmamalaki naman ng alkaldeng si Rosario Fernandez ang kinalabasan ng pagdiriwang sa Iloilo ng ika-119 na Araw ng Kalayaan.

Sa susunod na taon, muling sisikapin ng mga taga-San Enrique na makuha ang titulo bilang 'Largest Human Philippine Flag' sa buong bansa. 

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.