Mga pulis, sibilyan, nakatiyempo, nakatakas sa bakbakan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 03:27 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:09 AM

Nakakuha ng tiyempo at tumakbo hanggang makalayo sa lugar ng bakbakan ang limang pulis at limang sibilyan na naipit sa tatlong linggong bakbakan sa Marawi City. 

Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis sa mga awtoridad simula nang sumiklab ang labanan sa Marawi noong Mayo 23, ngunit hindi sila makaalis dahil sa matinding palitan ng mga putok, ayon kay Senior Supt. Marlon Tayaba, commander ng Public Safety Battalion ng ARMM police. 

Nang makakita ng pagkakataon na tumakas, tumakbo nang mahigit dalawang kilometro mula sa Barangay Moncado Kadingilan papuntang Banggolo ang mga nailigtas noong Lunes.

Sa kuwento ni PO1 Lumna Lidaasan, makailang ulit silang pinaputukan ng mga Maute pero nagawa pa rin nilang makalayo. 

Naging madamdamin din ang pulis nang balikan ang kanilang pinagdaanan para sama-samang mailigtas pati ang mga Kristiyanong sibilyan. 

"Puwede naman kaming lumabas, magkunwari kami mga Muslim kami. Pero naisip ko, 'pag iniwanan, kawawa sila, hindi marunong magsalita ng Maranao iyan. Alam ko papatayin sila," madamdaming kuwento ng pulis. 

"Sabi ko, huwag kayong mag-alala, sama-sama tayo. 'Pag na-rescue tayo, ako ang huling sasakay, maligtas lang kayo."

Maliban kay Lidasan, nakaligtas din sina PO3 Ricky Alawi, PO1 Esmael Adam, PO1 Ibrahim Wahab, at PO1 Bernard Vilariz. Kasama nila ang mga sibilyan na sina Analices Mari, Jerald Alico, Rodel Alico, Meteo Velasquez Jr. at Jeniver Velasquez. 

Malapitang bakbakan 

Sa ika-22 araw ng krisis sa Marawi, malapitan na ang bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at grupong Maute, ngunit hindi pa rin umaatras ang puwersa ng gobyerno.

Muling nag-umpisa ang mga air strike sa lungsod. Dalawang air assets ng Armed Forces of the Philippines ang nag-ikot at sunod-sunod na nagpakawala ng malalakas na bomba.

Sentro ng putukan ang tatlong barangay na Raya Madaya, Bangolo, at Lilod na hawak pa rin ng teroristang grupo.

Ayon pa kay Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, pinasok ng Philippine Marines noong Biyernes ang pinakasentro ng pinagkukutahan ng grupo, at naroon ang mga lider at mga bihag kaya ganoon na lamang ang depensa ng mga kalaban. 

-- Ulat nina Jeff Canoy, Henry Atuelan, at Joey Romblon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.