Lalaki, arestado sa panggagahasa sa menor de edad sa paaralan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 03:14 AM

BULACAN - Arestado ang isang 46 anyos na lalaki matapos mahuli sa akto ng panggagahasa sa isang 12 anyos na babae sa Sta. Maria, Bulacan.

Kinilala ang suspek na si Ernesto Poblete, isang utility worker at guard ng eskwelahan sa lugar.

Ayon sa salaysay ng biktima, naglilibot siya sa loob ng paaralan nang tawagin siya ng suspek at sinabing kasama nito ang kaibigan niya.

Sumama ang biktima kay Poblete pero habang naglalakad sila ay hinablot ito, tinakpan ang bibig, dinala sa classroom ng isang Grade 6 class at doon na ginawa ang panghahalay.

Kwento ng lolo ng biktima, hinahanap niya ang kanyang apo sa eskwelahan nang bigla siyang makarinig ng ingay sa isa sa mga classroom. 

Agad niyang pinuntahan ito at nakita niyang ginagahasa ng suspek ang kanyang apo. Pinasok niya ang kwarto at iniligtas ang biktima.

Agad na nagreklamo sa barangay ang lolo ng biktima at nahuli ang suspek.

Lumabas sa medico legal na nagahasa ang biktima.

Ayon sa biktima, pinagsamantalahan na rin siya ng suspek noong Abril.

Nakakulong na ang suspek sa Sta. Maria Police Headquarters at sasampahan ng kaso ayon sa R.A. 8353 o Rape at sa paglabag ng R.A. 7610 o Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.