'Experience the Philippines' ad, di kinopya: DOT

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 08:54 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:12 AM

Nabalot sa kontrobersiya ang pinakahuling promotion ad ng Department of Tourism (DOT) na "Sights: Experience the Philippines" dahil sa isyu ng pagkopya umano nito sa tourism ad ng South Africa.

Noong 2014, naglabas ang South Africa ng isang tourism ad kung saan tampok din ang isang bulag na turista. Halos kaparehas din iyan ng konsepto ng tourism promo ng Quebec, Canada na inilabas noong 2016.

Ayon sa DOT, walang plagiarism o pangongopya ng konsepto sa mga ad. Bagama't may elementong pareho sa ibang ad, totoong tao umano ang inspirasyon ng 'Experience Philippines' na si M. Chimura na isang Japanese tourist na piniling mag-retire sa Pilipinas.

''This is a direct testimonial of a Japanese retiree, in fact we are processing over 20,000 alien retirees who want to stay here in the Philippines,'' ani DOT ASec. Ricky Alegre.

Inako naman ng McCann Worldgroup Phils, ang ad agency ng DOT, ang lahat ng responsibilidad sa kontrobersiya. 

Pero giit ng ahensiya, hindi tama ang akusasyong plagiarism dahil base sa masinsing research ang kanilang video ad. 

Una nang naakusahan ng plagiarism ang DOT noong 2010 sa 'Pilipinas kay Ganda logo' na hawig sa logo ng Poland.

Pinalitan ito ng ''It's more fun in the Philippines'' noong 2012 na inakusahang kahawig ng ''It's more fun in Switzerland'' campaign noong 1951.

Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ng DOT na hindi nila babawiin ang 'Experience the Philippines' advertisement.

Tinatapos pa ng McCann ang kontrata sa DOT na may P650 milyon allocation. Naaprubahan ito noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III. 

Isa pang ad campaign ang nakatakdang ilabas ng DOT at McCann tungkol sa Kabisayaan.

 

--May ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.