Binata patay sa pamamaril sa Koronadal

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 09:04 PM

KORONADAL CITY - Patay ang isang 18 taong gulang na lalaki matapos pagbabarilin sa gitna ng plantasyon ng saging sa Purok Manabi, Barangay San Roque sa Koronadal City.

Kinilala ang biktima na si Carmelo Salibay Jr. Nadiskubre ang bangkay niya nitong Lunes ng gabi habang nakasakay pa sa isang motorsiklo.

Naghihinagpis ang ina ni Salibay na si Lucita sa sinapit ng kanyang bunsong anak. Umaga na ng nalaman niyang pinatay si Carmelo matapos itago ito ng iba pa niyang mga anak dahil sa kondisyon ng kanyang kalusugan.

Ayon kay Lucita, wala namang naisumbong na nakaaway ang kanyang anak.

"Okay lang na kinulong ang anak ko, hindi lang binaril kay mabait 'yun siya sa akin,” ani Lucita.

Ipinagtataka rin nila na naka-motorsiklo ito nang mabaril. Isang out-of-school youth si Carmelo at suma-sideline umano itong mekaniko ng mga motorsiklo.

Hirap pa ang mga pulis na makakita ng testigo, pero base sa mga nakausap nila sa lugar, mga putok lang ng baril at isang humarurot na motorsiklo ang kanilang narinig.

Napakadilim din sa crime scene at malayo sa mga kabahayan, kaya blangko pa sila sa suspek at motibo.

"Baka may nakaaway na pag-uwi, pagbiyahe niya, sinundan, binaril. Or may dating [may] mga grudges na binantayan siya saka pagdaan niya doon sa may Barangay Kipalbig, binaril na siya," paliwanag ni Senior Superintendent Franklin Alvero, provincial director ng South Cotabato Police Provincial Office.

Ito ang unang shooting incident sa Koronadal City ngayong buwan ng Hunyo.

Magsasagawa pa sila ng background investigation sa pagkakakilanlan ng biktima na posibleng makakatulong sa kanilang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.