AUV, sumalpok sa isang fast food chain

Ernie Manio, DZMM

Posted at Jun 13 2017 10:47 AM | Updated as of Jun 13 2017 11:01 AM

Sumalpok ang isang AUV sa isang fast food chain sa Mandaluyong na ikinasugat ng isang security guard.

Tinakpan na lamang ng karton ang main entrance ng isang fast food chain sa Boni Avenue, corner Halcon Street sa Mandaluyong City matapos mabasag dahil nabangga ng isang AUV alas-10:15 kagabi.

Pumasok ang unahang bahagi ng AUV at sa lakas ng pagkakabangga, nabasag at tumilapon ang mga pintuan at tinamaan ang naka-duty na security guard na si Bernard Caingles.

Nilapatan na ng paunang lunas si Caingles pero hirap pa rin siyang makalakad.

Sa imbestigasyon ng Mandaluyong City Police Traffic Office, paparada na dapat ang driver na si Shirley Legaspi para kumain pero sa halip na brake, ang gas ang naapakan nito.

Matapos ang mahabang paliwanagan, nagkasundo na lamang na sasagutin ang mga gastusin sa pagpapagamot ng gwardya.

Hinihintay pa naman ang magiging pasya ng fast food chain ukol sa aksidente.

Dahil wala ng kaso, pinauwi na rin ang driver sa pangakong hindi tatakbuhan ang mga responsibilidad

Payo naman ng awtoridad, laging maging alerto at wag basta basta aapak ng silinyador lalo kung hindi naman pamilyar pa sa lugar o pinagpaparadahan. Umagang kay Ganda, 13 June 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.