Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkokomisyon ng bagong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) ngayong Linggo, Araw ng Kalayaan.
June 1 nang dumating sa bansa ang 97 metrong barko mula sa Yamaguchi Prefecture, Japan.
Ayon sa PCG, may bilis na 24 knots ang barko at gagamitin sa pagpapatrolya sa teritoryo ng bansa kabilang ang West Philippine Sea at Philippine Rise.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte, pinasalamatan niya si Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga nagawa nito sa kanyang sektor.
Pinuri rin ng Pangulo ang Philippine Coast Guard, at sinabi pang may "excellent record and participation" ito sa pagtulong sa gobyerno na mapanatili ang kasarinlan at integridad ng bansa.
Hiniling ng Pangulo sa PCG na payagan siyang makasakay sa barko kahit hindi na siya ang nakaupong Pangulo.
Sa nasabing aktibidad, iginiiit din ng pangulo ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Sabi niya, gusto raw niyang makasabay ang PCG sa pagpatrolya nito sa West Philippine Sea.
Bagama't itinuturing niyang kaibigan si Chinese President Xi Jinping, sinabi ni Duterte na hindi niya raw pababayaan ang soberenya ng bansa sa nasabing karagatan.
Muli ring binanggit ng pangulo sa kaniyang talumpati ang war on drugs ng kaniyang administrasyon at nangako na ipagpapatuloy ang paglaban sa ilegal na droga wala man na siya sa puwesto.
“Ngayon, iyong gusto pumasok, I’m warning you, buhay-buhay lang tayo. Either you kill me or I will kill you. Even as an ex, former president hindi ko payagan iyang society, yung mga anak natin sisirain mo. P***, papatayin talaga kita, wala akong pakialam,” babala ng Pangulo.
Sa Hunyo 30 na bababa sa pagka-pangulo si Duterte.
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.