PatrolPH

Dolomite Beach, dinagsa sa inaasahang pagbukas nito sa Araw ng Kalayaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2022 10:12 AM

Kahit sa hapon pa nakatakdang buksan ang Dolomite Beach, dinagsa ng mga tao ang bukana nito Linggo ng umaga, ika-12 ng Hunyo 2022. Larize Lee, ABS-CBN News
Kahit sa hapon pa nakatakdang buksan ang Dolomite Beach, dinagsa ng mga tao ang bukana nito Linggo ng umaga, ika-12 ng Hunyo 2022. Larize Lee, ABS-CBN News

MANILA — Dinagsa ng mga tao ang labas ng Manila Baywalk Dolomite Beach ngayong Linggo, Araw ng Kalayaan.

Nakatakda kasing buksang muli sa publiko ang artificial "white sand beach" matapos itong isara para dumaan sa ikalawang phase ng rehabilitasyon.

Ang karamihan sa kanila, kasa-kasama ang kanilang pamilya at alas-4 pa ng madaling araw dumating.

Si Leana Arellano, dito naisipang ipagdiwang ang birthday ng kaniyang 4 na taong gulang na apo. Naglatag sila ng tela at nag-picnic sa labas ng dolomite beach habang naghihintay makapasok sa loob.

"Dito na po namin cinelebrate para po at least maka-menos man lang, kasi 'yun lang po ang kakayanan namin," aniya.

Bagama't sinabi ng mga guwardiya sa mga tao na hapon pa ito magbubukas at wala pang katiyakan kung kailan makapagpapasok ng mga tao, ang sabi ng ilan, matiyaga silang maghihintay ilang oras man ang abutin.

"Maghihintay po kami hanggang mamaya hanggang sa maging pwede," sabi naman ni Erika Belano.

"Maghintay na lang kami kung kailan magbubukas. Okay lang, excited ako pumunta kasi malinis na," sabi rin ni Myrna delos Santos.

"Alam po namin na marami po talaga ang pupunta ngayon dito kaya mas inagahan po namin para po talaga makapasok kami. Hintayin na lang po namin hanggang sa makapasok kami," dagdag pa ni Marilou Torres.

"Gusto namin makatingin sa loob ng magandang tanawin. Kahit anong oras mag-open, maghihintay lang kami," ayon naman kay Rigalio Lustre.

Gaganapin ang inagurasyon sa dolomite beach alas-4 ng hapon Linggo.

— Ulat ni Larize Lee, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.