PatrolPH

Limitadong operasyon sa LRT-2, sinimulan na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2021 11:08 AM

MAYNILA - Higit isang linggong magkakaroon ng limitadong operasyon ang LRT 2 bilang paghahanda sa pagbubukas ng East Extension Project. 

Ayon sa abiso ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority, simula ngayong araw, Hunyo 12, ang biyahe ng tren ay mula Recto hanggang Cubao na lang at pabalik. 

Wala munang biyahe sa Anonas, Katipunan at Santolan station hanggang Hunyo 22.

Nitong nakalipas na mga buwan, nagkasa ng integration test ng signaling system ang LRT 2 mula Recto hanggang sa mga bagong istasyon sa Marikina at Antipolo. 

Inaasahan na bubuksan na ang dalawang istasyon ngayong buwan. 

Samantala, may libreng sakay naman ang LRT ngayong araw bilang pakikiisa sa Independence Day. 

Ang libreng sakay ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi. 

May libreng sakay rin ang LRT-1 at MRT-3 ngayong araw sa parehong mga oras dahil rin sa pagdiriwang ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.