PatrolPH

Lalaki patay sa pananaga ng kainuman sa Aklan

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2021 03:52 PM

Lalaki patay sa pananaga ng kainuman sa Aklan 1
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawang magkainuman na nauwi sa pananaga ng suspek sa biktima sa bayan ng Makato sa Aklan. Larawan mula sa Makato Police

Patay ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kainuman sa Barangay Tibiawan, bayan ng Makato, Aklan, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Sue Taladro, 36 anyos na mula sa lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, unang nag-iinuman ang dalawa sa bahay ng lolo ng suspek. Nang maubos na ang iniinom nilang alak ay niyaya ng biktima ang suspek na ipagpatuloy ang kanilang inuman sa bahay nito.

Sa gitna ng kalasingan ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pananaga ng suspek sa biktima.

Nagtamo ng taga ang biktima sa leeg, dibdib, at tiyan na dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Kaagad naman na sumuko ang suspek sa barangay chairman ng kanilang lugar at agad din ibinigay sa kustodiya ng pulisya.

Narekober sa lugar ang itak na ginamit sa krimen.

- Ulat ni Rolen Escaniel
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.