PatrolPH

Dismaya sa hakbang sa West PH Sea, COVID paksa ng Independence Day protests

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2021 04:37 PM | Updated as of Jun 13 2021 12:04 AM

MAYNILA—Sa motorcade at kilos-protesta idinaan ng ilang grupo ang pagdiriwang ng ika-123 na Independence Day, sa panawagan nilang paalisin ang mga Chinese forces sa mga isla ng Pilipinas. 

Dalawa ang naging assembly point: isa sa UP Diliman sa Quezon City at sa Rajah Solaiman sa Maynila.

Bandang alas-8 nagtipon-tipon ang iba’t ibang grupo at tumulak para sa motorcade patungong Chinese consulate sa Buendia sa Makati City. 

Panawagan nila, protektahan at ipaglaban ang soberanya ng Pilipinas at wakasan na ang panunungkulan ni Panguling Rodrigo Duterte.

Watch more on iWantTFC

Kabilang din sa kanilang isinisigaw ang pagpapalaya kay Senator Leila De Lima at ang pagpapalayas sa China forces sa mga isla ng Pilipinas.

Bantay-sarado ng mga pulis ang harap ng gusali at ang paligid nito dahil okupado nito ang buong westbound lane ng Buendia Avenue.

Pero sa gitna ng programa, pinaurong ng mga pulis ang mga nagpoprotesta para madaanan ang isang lane nito. 

Sabi ni Bayan Muna Rep. Renato Reyes, Independence Day nga ngayon pero tila hindi tunay na malaya ang Pilipinas dahil sa presensya ng mga Chinese forces sa isla ng Pilipinas. 

"Independence Day ngayon, pero hindi tayo tunay na malaya mula sa pananakop ng mga dayuhan. Kaya kami nandito pera irehistro na hindi na pwede ito. Hindi na pwedeng 6 na taon pa na ganito na parang walang pinaninidigan na interes ng mga Pilipino ang nakaupo sa Malacanang. Hindi na maaari na kandidato ng China ang maghahari sa Pilipinas,” ani Reyes. 

Bilang bahagi ng pagtuligsa sa sinabi noon ni Duterte na magje-"Jet Ski" sya at magtatayo ng bandila ng Pilipinas sa West Philippine Sea, isang float na may disenyo ng watercraft ang nanguna sa motorcade.

Ayon naman kay Atty. Neri Colmenares, sa araw na ito dapat igiit ang karapatan ng Pilipinas at ang kaniyang kasarinlan. 

Binasa ni Colmenares ang liham ni dating Associate Justice Antonio Carpio na sinabing lumilinya si Duterte sa China na hindi tama at dapat protektahan at ipaglaban ang West Philippine Sea.

“Ang isang bahagi ng message niya nagsabi doon si President Duterte ay nag-aalign sa katulad ng China na hindi dapat. So giniit nya dito natayo ang may karapatan sa West Philippine sea at unti-unting nawawala iyan dahil sa patakaran ni President Duterte,” ani Colmenares. 

Para kay Atty. Howie Calleja ng 1Bayan, ang 123rd Phil Independence day ay nagsisilbing paalala na hindi na dapat magpa-"1-2-3" o magpaloko ang mga Pilipino. 

Tingin niya na ang 2022 elections daw ay magsisilbing survival ng ating bansa kaya hindi na dapat maniwala kay Duterte at hindi na dapat kaanak o kaalyado niya ang manalo dahil mismong ang COVID pandemic ay hindi nasolusyunan.

Ang ibang bansa ay nakakarecover na pero ang Pilipinas ay napag-iiwanan kaya magiging mahigpit daw ang pagbabantay nila sa darating na halalan sa susunod na taon.

“Itong halalang 2022 ay survival na po ng Pilipinas. Kaya napakaimportante po nito. Ngayon po ginugunita natin ang 123rd independence day sabi nga natin huwag na po tayo magpapa-1-2-3. Hindi na tayo magpapaloko, ayaw na natin ng joke, joke, joke,” ani Calleja. 

Ayon kay Police Major John Patrick Magsalos, ground commander sa lugar, walang permiso ang protesta sa harap ng Chinese consulate pero pinayagan na lang ang grupo na magprograma sa loob ng isang oras pero dapat masunod ang minimum health protocols. 

“Wala po silang naipakitang permit pero bibigyan lang natin sila ng allotted time para matapos ang program nila at makapag-disperse din sila ng maayos,” ani Magsalos.

Sa pagtataya ng pulisya, nasa 400-500 ang mga dumalo sa rally, at may ilang pagkakataon umanong halos magtabi-tabi na rin sila sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng organizers na panatilihin ang social distancing.

Pasado alas-otso ng umaga ay mapayapang umalis ang mga nagprotesta matapos linisin ang lugar. — Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.